Mula sa Silangan hanggang sa Kanluran

4/17/2016 2 Komento


Isa sa mga nagmamalasakit na nagbabasa ng blog site na ito ay nagtanong, “ Mayroon bang anumang hula sa Biblia tungkol sa Pilipinas?” Agad ay pumasok sa aking isip nang sa mga panahon ng 1980, isang kritiko sa Pampanga kung saan ako ay nangangaral gabi-gabi ay nagtanong, “Mababasa mo ba ang Pilipinas sa Biblia?” At mula doon ay sumunod ang maraming pagtalakay hinggil sa kung ano ang hindi mababasa sa Biblia. Bilang halimbawa, bagaman ang ampalaya ay wala sa Biblia, bitter gourd sa Ingles, ang esensya at ang pagiging gulay nito ay nasa Biblia. Babasahin ko sa inyo ang aklat ng Genesis 1:11-12,29 -

"11 At sinabi ng Dios, Sibulan ang lupa ng damo, pananim na nagkakabinhi, at punong kahoy na namumunga ayon sa kaniyang pagkakahoy, na taglay ang kaniyang binhi sa ibabaw ng lupa, at nagkagayon. 
12 At ang lupa ay sinibulan ng damo, pananim na nagkakabinhi, ayon sa kaniyang pagkapananim, at ng punong kahoy na namumunga, na taglay ang kaniyang binhi, ayon sa kaniyang pagkakahoy, at nakita ng Dios na mabuti. 
29 At sinabi ng Dios, Narito, ibinigay ko sa inyo ang bawa't pananim na nagkakabinhi, na nasa ibabaw ng balat ng lupa, at ang bawa't punong kahoy na may bunga ng punong kahoy na nagkakabinhi; sa inyo'y magiging pagkain:"

Malinaw sa talata na ang Dios ay lumikha ng bawa’t pananim upang maging pagkain. Ang bawa’t panananim ay nangangahulugan na bawa’t halaman at bawa’t gulay sa kanyang uri. Ibig ko na mapansin ninyo ang salitang “ayon sa kanyang pagkapananim” at “nagkakabinhi”. Ang ampalaya na nahuhulog sa ketegoryang ito. Pinatutunayan ito ng Exodo 12:8.

"At kanilang kakanin ang laman sa gabing yaon, na inihaw sa apoy, at tinapay na walang lebadura, kakanin nilang kaulam ng mapapait na gulay."

Nang ipag-utos ng Dios sa mga Israelita na ipagdiwang ang Pascua, sila ay tinuruan ng Dios upang kumain ng kordero ng Pascua kasama ang mapapait na gulay at walang pag-aalinlangan na ang ampalaya ay mapait. Kaya hindi nangangahulugan na kung ang isang partikular na pangalan ay hindi binanggit sa Biblia, ito ay wala sa Biblia. Sa katunayan, ang Biblia ay ang salamin kung saan ating masusukat o makikita ang mga bagay na umiral mula sa paglalang. Maging yaong mga naglaho na ay matatagpuan sa Biblia. Bilang halimbawa, ang mga dinosaurs, bagaman sila ngayon ay wala na, ay binanggit sa Biblia. Sila ngayon ay wala na, subali’t sila ay nasa Biblia. Gayon ding bagay ang sa Pilipinas. Ito ay nadiskubre ni Ferdinand Magellan noong March 16, 1521, at pinangalanan sa karangalan ni Haring Felipe II ng Espanya, noong mga 1543. Kaya tinawag ito na “Las Islas Filipinas” o Ang Kapuluang Pilipinas.

May mga dakilang bansa sa mundo ngayon na umiiral na ang pangalan ay wala sa Biblia. Mayroong pahiwatig na ang bansang Cyprus, bagaman ang salitang “Cyprus” ay hindi binanggit, ang Biblia ay bumabanggit nito bilang Chittim; subali’t ang salitang Cyprus ay wala sa Biblia. Ang Amerika, Gran Britanya o ang United Kingdom ay hindi rin masusumpungan sa Biblia. May mga hula sa Biblia na hindi sinasabi ang pangalan; kung kaya, lohikal lamang na hindi natin matatagpuan ang mga pangalan na yaon sa Biblia.

Ang huling aklat ng Biblia ay nasulat sa pagtatapos na bahagi ng unang siglo sa ating panahon. Ang mga aklat ng Matandang Tipan at ang mga propeta ay nangasulat mula pa sa 1,300 taon bago si Kristo. Kung kaya ang isang pangalan na ibinigay sa isang partikular na bansa noong lamang 1500 ng ating panahon ay hindi matatagpuan sa Biblia at ito ay lohikal. Nguni’t hindi nangangahulugan na dahil ang pangalan ng isang partikular na bayan o isang bansa ay hindi mababasa sa Biblia, ang bayang yaon ay hindi kabilang sa Biblikal na hula - gaya ng sa kaso ng aking bansa, ang Pilipinas. 

Anumang katotohanan na nangyayari na kasang-ayon ng kalooban ng Dios ay nasa Biblia. Naniniwala ako na ang pagsapit ng pangangaral ng tunay na iglesia sa Pilipinas ay nasa Biblia. Basahin natin mula sa mga hula ng kasulatan. Mayroong hula sa aklat ng Malakias 1:11, na nagsasabi -

"Sapagka't mula sa sinisikatan ng araw hanggang sa nilulubugan niyaon, magiging dakila ang aking pangalan sa mga Gentil; at sa bawa't dako ay paghahandugan ng kamangyan ang aking pangalan, at ng dalisay na handog: sapagka't ang aking pangalan ay magiging dakila sa gitna ng mga Gentil, sabi ng Panginoon ng mga hukbo."

Ito ay maliwanag sa hulang ito sa mga taga ibang lupa o mga Gentil. Ang katagang “Gentil” ay nangangahulugang “labas ng Israel”. Bilang batayan, mababasa natin ang Efeso 2:11-12:

"11 Kaya nga alalahanin ninyo, na kayo noong una, mga Gentil sa laman, tinatawag na Di-pagtutuli niyaong tinatawag na Pagtutuli sa laman, na ginawa ng mga kamay: 
12 Na kayo nang panahong yaon ay mga hiwalay kay Cristo, na mga di kabilang sa bansa ng Israel, at mga taga ibang lupa tungkol sa mga tipan ng pangako, na walang pagasa at walang Dios sa sanglibutan."

Ang lahat ng mga bansa sa labas ng Israel, na siyang unang bayan na nasa ilalim ng Dios, ay mga tinawag na mga Gentil. At ayon sa Biblia, ang hula sa Aklat ni Malakias, ang pangalan ng Panginoong Dios ng Israel ay magiging dakila sa mga taga ibang lupa o mga Gentil. At yaon ay magsisimula sa sinisikatan ng araw.

Ibig kong anyayahan ang metikulosong atensyon ng mga iskolar na nagbabasa ng Biblia. Ang silangan na binanggit dito ay hindi sa silangan ng Jerusalem kung saan ang pagsikat ng araw ay nagsisimula. Alam natin na ang araw ay sumisikat sa direksyon ng Malayong Silangan at yaon ay kung saan ang aking bansa ay naroroon. Ang Pilipinas ay nasa Malayong Silangan at wala sa malapit na silangan. Kung ating isasaalang-alang ang mga pananalita ng hula ni Malakias, ito ay kabilang sa mga Gentil. Kaya, wala ito sa Gitnang Silangan o sa malapit na silangan kung saan ang Kristiyanismo ay unang natatag nguni’t ito ay sa isang pang silangan na iba mula sa malapit na silangan kung saan ang Kristiyanismo ay unang ipinangaral, ang malapit na silangan. Kung kaya, ito ay isa pang silangan at ang silangan na ito ay napakalinaw na ipinaliwanag sa Biblia bilang ang silangan kung saan ang araw ay sumisikat. Ayon sa hula... Apocalipsis 5:8 -

"At pagkakuha niya ng aklat, ang apat na nilalang na buhay at ang dalawangpu't apat na matatanda ay nangagpatirapa sa harapan ng Cordero, na ang bawa't isa'y may alpa, at mga mangkok na ginto na puno ng kamangyan, na siyang mga panalangin ng mga banal."

Ang kamangyan ay nangangahulugan na mga panalangin ng mga banal. Kaya magkakaroon ng mga tao sa silangan na nag-aalay ng mga panalangin sa Dios at tinatanggap ng Dios ang kanilang mga panalangin. Ang mga ito ay mga tao ng Dios sa silangan. Kaugnay rito, mayroong isa pang hula sa aklat ni Zacarias 8:7 -

"Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, Narito, aking ililigtas ang aking bayan sa lupaing silanganan at sa lupaing kalunuran;"

Kaya, magkakaroon ng mga tao ng Dios sa silangan. Huwag nating alisin, gayunpaman, ang posibilidad na kapag ating sinasabi ang salitang “silangan”, ito ay maaaring mangahulugan na Japan sapagka’t ito rin ay nasa silangan. Sa katunayan, ito ay tinawag na Land of the Rising Sun. Maari ding mangahulugan ito na Indonesia. Maaari ding mangahulugan ito na Pilipinas at ibang mga bansa sa Malayong Silangan subali’t ang kapansin-pansin sa hula ay ito ay nangungusap tungkol sa mga tao na dumadalangin sa Dios ng Israel. Hindi kailanman sa kasaysayan ng Japan o ng ibang mga bansa sa Malayong Silanganan na ang pangalan ng Panginoong Dios ng Israel, ang Dios ni Abraham, Isaac at Jacob ay pinuri ng mga Gentil o mga taga ibang bayan sa Japan.

Karamihan sa mga bansang oriental o sa Asya ay mayroong kanilang sariling relihiyon. Gaya halimbawa, ang Budismo ay napakalaganap sa Japan at ibang oriental na relihiyon. Sila’y hindi naniniwala sa Panginoong Dios ng Israel. Nguni’t sa Pilipinas, ito lamang ang tanging bansa sa Asya na naniniwala sa Biblia at kumukuha sa Biblia bilang awtoridad nito ng kanilang pananampalataya. At sa Pilipinas, naniniwala ako, ay ang katuparan ng hulang ito na magkakaroon ng bayan ng Dios at ang mga taong ito ay mag-aalay ng mga kamangyan o mga panalangin sa Panginoong Dios ng Israel. Subali’t papaano natin malalaman na sila ay ang bayan ng Dios at papaano sila magiging bayan ng Dios? Kanyang sinabi, “Aking ililigtas ang aking bayan mula sa lupaing silanganan …”

Bago magkakaroon ng bayan ng Dios, kailangang gamitin ng Dios ang isang tao sa pangangaral ng katotohanan. Sa aklat ng Mga Gawa 15:14

"Sinaysay na ni Simeon kung paanong dinalaw na una ng Dios ang mga Gentil, upang kumuha sa kanila ng isang bayan sa kaniyang pangalan."

Sinaysay ni Simeon kung papaano unang dinalaw ng Dios ang mga Gentil upang kunin mula sa kanila ang isang bayan sa Kanyang pangalan. Kaya dinalaw ng Dios ang mga Gentil, upang kunin mula sa mga Gentil ang isang bayan para sa kanyang pangalan. At papaano ito magkakagayon? Papaano ito mangyayari? Ang Biblia, sa muli, sa aklat ng Mga Gawa 9:15, ay nagsasabi nito -

"Datapuwa't sinabi sa kaniya ng Panginoon, Pumaroon ka: sapagka't siya'y sisidlang hirang sa akin, upang dalhin ang aking pangalan sa harapan ng mga Gentil at ng mga hari, at ng mga anak ni Israel:"

Ang talata ay nangungusap ng katauhan ng Apostol Pablo. Upang magkaroon ng bayan ng Dios, magkakaroon ng isang sisidlang hirang na gaya ng Apostol Pablo. Si Pablo ay isinugo ng Dios, pangunahin, sa Kristiyanong dispensasyon, upang maging front runner ng Kristiyanismo sa mga Gentil. “Siya ay isang sisidlang hirang sa akin upang dalhin ang aking pangalan sa harap ng mga Gentil...” kanyang sinabi sa hula. At ito ay naganap sa pamamagitan ni Apostol Pablo. Nang siya ay nangangaral, kanyang sinabi sa aklat ng mga Gawa 13:46-47 na -

"46 At nagsipagsalita ng buong katapangan si Pablo at si Bernabe, at nagsipagsabi, Kinakailangang salitain muna ang salita ng Dios sa inyo. Yamang inyong itinatakuwil, at hinahatulan ninyong hindi kayo karapatdapat sa walang hanggang buhay, narito, kami ay pasasa mga Gentil. 
47 Sapagka't ganito ang ipinagutos sa amin ng Panginoon, na sinasabi, Inilagay kitang isang ilaw ng mga Gentil, Upang ikaw ay maging sa ikaliligtas hanggang sa kahulihulihang hangganan ng lupa."

Maliwanag sa talata na sinabi ni Pablo sa mga Israelita, na nagtakuwil ng kanyang pangangaral na siya ay pumaparoon sa mga gentil “... ang salita ng Dios ay dapat na ipangaral na una sa inyo, subali’t nakikitang inyong inaalis sa inyo, ay hindi ninyo ito ibig tanggapin, inyong hinahatulan ang inyong sarili na hindi karapatdapat sa walang hanggang buhay, narito, kami ay pasasa mga Gentil …” Bakit? Dahil ito ang pinakadiwa ng hula (sa talatang 47) “Sapagka’t ganito ang ipinag-utos sa amin ng Panginoon (sa hula)...” ito ay nasa hula ni Isaias na nagsasabi “Ginawa kitang isang ilaw sa mga Gentil, upang ikaw ay maging sa ikaliligtas hanggang sa kahulihulihang hangganan ng lupa.” 

Kaya nang ang pangalan ng Panginoong Dios ng Israel ay unang ipinangaral sa mga Gentil, ang Apostol Pablo ay ang sisidlang hirang. Nguni’t ating tandaan na ang mga Gentil na ipinangusap sa pamamagitan ng Apostol Pablo ay hindi ang mga Gentil sa Malayong Silangan yamang hindi siya nangaral sa Malayong Silangan. Ang mga Gentil, kung kanino isinugo ng Dios ang Apostol Pablo, ay ang mga Gentil sa mga nakapalibot na lugar ng Banal na Lupain at humahantong ang layo hanggang sa Gresya, ang mga Gentil sa nasasakupan ng Emperyo Romano. Subali’t ang hula sa Malakias ay tumutukoy sa mga Gentil sa silangan. Kaya, sa partikular na hula na iyon, hindi si Apostol Pablo ang magiging kasangkapan ng Dios sa pagtitipon sa Kanyang bayan sa partikular na bahagi na ito ng mundo. Magkakaroon ng isa pang sisidlan gaya ni Pablo na mangangaral ng kadakilaan ng pangalan ng Panginoong Dios ng Israel sa silangan; at ang silangan na yaon, ang sinisikatan ng araw, ay iba sa Jerusalem o sa Banal na Lupain na nasa Gitnang Silangan.

Ngayon, mayroon bang tao na kagaya ng Apostol Pablo sa silangan na mangangaral ng pangalan ng Panginoong Dios ng Israel? Mayroon bang hula na nagsasabi tungkol sa kanyang kalagayan at mayroon bang hula na nagsasabi sa panahon kung kailan itong sisidlan ng Dios o kasangkapan ng Dios gaya ni Apostol Pablo ay mangangaral ng pangalan ng Panginoong Dios ng Israel sa silangan? Siyempre nararapat na mayroon sa Biblia kagaya ng aking nasabi nang nauna, mayroon palaging katuparan ng katotohanan ng Dios na nakasulat sa mga kasulatan, lalo na sa mga hula.

To be continued...

[Disclaimer notice on translation: Ang blog na ito ay maingat na isinalin sa wikang Tagalog ng aming translators sa abot ng kanilang kakayahan. Gayunman, hindi nito ginagarantiya ang ganap na kawastuan ng pagsasalin ng mga impormasyon dulot ng magkakaibang mga dahilan. Kung magkaroon man ng pagkakaiba sa orihinal bersyon, ang orihinal na bersyon na nasa Ingles ang laging mangingibabaw.]

2 komento:

  1. Salamat sa Dios at kinahabagan ng Dios ang ating bansang Pilipinas at pinasibol ang isang kasangkapan sa ikaliligtas kung kaya't buong sikap ni BroEli at BroDaniel maiparating sa madla ang katotohanan ng Evangelio

    TumugonBurahin
  2. salamat sa Dios sa bagong Blog na ito ni Mr.ControversyX panibangong karunungan na mapapakinabangan

    TumugonBurahin