Kung Paano Mapananatili ang Pagkakaibigan Ayon sa Biblia

2/28/2017 0 Komento


From: Ana

Email: megumi3007@yahoo.com

Paano natin mapananatili ang pagkakaibigan ayon sa Biblia?

Dear Ana,

Sa mundong ito, ang tanging permanente ay ang pagbabago (kung kaya, wika ng kasabihan). Ang pagmamantine ng pakikipagkaibigan sa kaninoman ay nangangailangan ng maraming tapang, pasensiya at pag-unawa. Halos imposible na magkaroon ng permanenteng kaibigan sa lipunan ng mga tao ngayon. Subali’t ang imposible sa ilalim ng mga pamantayan ng tao ay posible sa Dios. 

Noong ako ay nasa paaralan sa elementarya, aking natutunan ang isang kawikaan na ang sabi: “Gumawa ka ng mga bagong kaibigan, nguni’t huwag mong kalimutan ang mga dati; sapagka’t ang mga bago ay pilak at ang mga dati ay mga ginto.” Ayon sa Biblia na pagsasalita, ang mga kaibigan ay maaaring maging bahagi ng mga mana mula sa mga magulang.

KAWIKAAN 27:10 
Ang iyong sariling kaibigan at ang kaibigan ng iyong ama, ay huwag mong pabayaan; at huwag kang pumaroon sa bahay ng iyong kapatid sa kaarawan ng iyong kasakunaan: maigi ang kapuwa na malapit kay sa kapatid na malayo.

Subali’t paano natin maiingatan ang pagkakaibigan? Nararapat natin makilala kung kanino makikipagkaibigan at ang mga sanhi na makasisira ng pagkakaibigan! Ang Dios ng Biblia ay nagbibigay ng kahulugan para sa atin ng isang tunay na kaibigan.

KAWIKAAN 18:24 
Ang nagpaparami ng mga kaibigan ay sa kaniyang sariling kapahamakan: nguni't may kaibigan na mahigit kay sa isang kapatid.

Ang pagiging malapit ng isang tunay na kaibigan ay namamalagi.

KAWIKAAN 17:17 
Ang kaibigan ay umiibig sa lahat ng panahon, at ang kapatid ay ipinanganak na ukol sa kasakunaan.
Ang pagpuna ng isang tunay na kaibigan ay maaaring makasakit, nguni’t ito ay isang tanda ng isang tunay na kaibigan.

KAWIKAAN 27:6 
Tapat ang mga sugat ng kaibigan: nguni't ang mga halik ng kaaway ay malabis.

Aking sinusundan ang mga sumusunod na halimbawa na ipinakita sa Biblia tungkol sa pagkakaibigan. Nguni’t sa mga hindi nakauunawa - kapag ako ay nangungusap na may pagkaprangka at katapatan, sa layunin na magtuwid ng isang minamahal na kaibigan - kung minsan, sila ay nagiging mapapait na kaaway. Kung ang mga tao lamang ay makakakita ng puso, nararapat sanang nakagawa ako ng mas maraming kaibigan kaysa mga kaaway. Nangyari ito sa mga Apostol ni Kristo.

GALACIA 4:16-17 
16 Kaya nga ako baga'y naging kaaway ninyo, sa pagsasabi ko sa inyo ng katotohanan? 
17 May nangagmamalasakit sa inyo sa hindi mabuting akala; subali't, ang ibig nila ay ihiwalay kayo, upang ipagmalasakit ninyo sila.

Mayroong kawikaang Espanyol na nagsasabi, “El enemigo peor es él que era una vez un amigo” ( Ang pinakamatinding kaaway ay siya na minsan ay naging kaibigan). Mag-ingat! Huwag gumawa ng mga kaaway mula sa mga kaibigan, kundi gumawa ng mga kaibigan mula sa mga kaaway.

I CORINTO 9:20-22 
20 At sa mga Judio, ako'y nagaring tulad sa Judio, upang mahikayat ko ang mga Judio; sa mga nasa ilalim ng kautusan ay gaya ng nasa ilalim ng kautusan, bagaman wala ako sa ilalim ng kautusan upang mahikayat ang mga nasa ilalim ng kautusan; 
21 Sa mga walang kautusan, ay tulad sa walang kautusan, bagama't hindi ako walang kautusan sa Dios, kundi nasa ilalim ng kautusan ni Cristo, upang mahikayat ko ang mga walang kautusan. 
22 Sa mga mahihina ako'y nagaring mahina, upang mahikayat ko ang mahihina: sa lahat ng mga bagay ay nakibagay ako sa lahat ng mga tao, upang sa lahat ng mga paraan ay mailigtas ko ang ilan.

Mangilag, din, sa mga salita ng mapaghatid dumapit!

KAWIKAAN 16:28 
Ang magdarayang tao ay nagkakalat ng pagtatalo: at ang mapaghatid-dumapit ay naghihiwalay ng magkakaibigang matalik.

Kung ibig mo na maingatan ang pagkakaibigan, ilapat sa iyong sarili ang mga kagalingan at kahalagahan ng isang tunay na kaibigan. Huwag asahan ito sa iyong kaibigan lang, kailangan ay simbiyotiko. Si Jesus ay nagturo sa Kanyang mga alagad ng pinakadakilang pakikipagkaibigan na makakamit sa mga tao.

JUAN 15:13-15 
13 Walang may lalong dakilang pagibig kay sa rito, na ibigay ng isang tao ang kaniyang buhay dahil sa kaniyang mga kaibigan. 
14 Kayo'y aking mga kaibigan, kung gawin ninyo ang mga bagay na aking iniuutos sa inyo. 
15 Hindi ko na kayo tatawaging mga alipin; sapagka't hindi nalalaman ng alipin kung ano ang ginagawa ng kaniyang panginoon: nguni't tinatawag ko kayong mga kaibigan; sapagka't ang lahat ng mga bagay na narinig ko sa aking Ama ay mga ipinakilala ko sa inyo.

Ang mga alagad ni Kristo ay gumamit ng pakikipagkaibigan na ito sa kapatiran.

III JUAN 1:14 
Datapuwa't inaasahan kong makita kang madali, at tayo'y magkakausap ng mukhaan. Ang kapayapaa'y sumainyo nawa. Binabati ka ng mga kaibigan. Batiin mo ang mga kaibigan sa pangalan.

Ang namamalaging pakikipagkaibigan ay makakamit sa Iglesia ng Dios. Si Jesus at ang Kanyang mga alagad ang pinaka mahuhusay na mga kaibigan na maaaring magkaroon ang sinoman.

God Bless,

Bro. Eli Soriano

[Disclaimer notice on translation: Ang blog na ito ay maingat na isinalin sa wikang Tagalog ng aming translators sa abot ng kanilang kakayahan. Gayunman, hindi nito ginagarantiya ang ganap na kawastuan ng pagsasalin ng mga impormasyon dulot ng magkakaibang mga dahilan. Kung magkaroon man ng pagkakaiba sa orihinal bersyon, ang orihinal na bersyon na nasa Ingles ang laging mangingibabaw.]

0 (mga) komento: